Puhon

Ang pagmamahal na para sa iyo

ay para sa iyo

Hindi mo kailangang magmadali

o makipagpaligsahan

Hindi ito laro o emosyon lang

Sa tunay na pag-ibig

Wala kang dapat patunayan

Ang tunay na pag-ibig ay nakapaghihintay

Kung sinong para sa iyo ay para sa iyo

Hindi ka lilituhin

Hindi mo pagdududahan

Hindi malabo

Malinaw at sigurado

Kapag Diyos ang nagtakda

Siguradong maganda ang pagkasulat ng istoryang

‘Di tulad ng tao lang ang may gawa

Puhon

Puso at isipan ay magtiwala sa Kanya

May nakalaan para sa pusong

Nagtitiwala, naghihintay, at nagmamahal

Ang pag-ibig ay uusbong

Kapag dumating na ang tamang panahon

Maghintay

Ang sarap sa pakiramdam nang hindi nagmamadali. Yung nakakapaglakad-lakad ka at nakakapag-isip. Yung nakikita mo ang ganda ng paligid. Yung naalala mo na sobrang ganda ng buhay kapag may pagkakataon kang namnamin ang bawat mabubuting pangyayaring ginagawa ng Panginoon sa buhay mo.

Minsan kasi sa sobrang pagmamadali natin, madaming ‘di nagagawa na dapat na pinagtutuunan ng pansin. Sa pagmamadali, hindi nakikita ang mga dapat makita. Sa pagmamadali, napapagod tayo dahil masyado nating pinangungunahan ang mga bagay-bagay. Sa pagmamadali, marami tayong nakakalimutang mga importanteng tao at bagay.

Ang paghihintay ay nakakaluwag ng pag-iisip, nakakapagpasaya ng puso, at nakakaginhawa ng pakiramdam. Maghintay. ‘Wag pangunahan ang mga itinakda ng Panginoon na magaganap sa tamang panahon. ‘Wag magmadali at namnamin ang ganda ng buhay at bawat pagkakataon.

Sa paghihintay, manabik na magaganap ang mga bagay na matagal nang inaasam. Hindi ka bibiguin, laging sulit ang matagal na hinintay.